Hindi kaagad ide-deport ang Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy at mananatili siyang nakadetine sa Bureau of Immigration (BI) para papanagutin sa mga reklamong ihahain laban sa kaniya, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.
Nitong Lunes, iniharap ni Remulla sa mga mamamahayag si Zdorovetskiy, kasabay ng pagtiyak na hindi bibigyan ng “special treatment” ang controversial vlogger na inulan ng batikos sa social media dahil sa ginawa umanong panggugulo at pang-i-insulto sa mga Pinoy para sa kaniyang content.
“Doon muna siya mananatili sa Bureau of Immigration detention facility sa Muntinlupa habang siya ay naghihintay ng paglitis sa kaniya rito. Hindi po namin siya ide-deport. Mananagot siya sa batas dito sa Pilipinas,” sabi ni Remulla sa press conference.
“Tapos na po ang mga dayuhan na kaya nilang lapastangan ang mga Pilipino. Ito’y ehemplo na seryoso tayo na sa sariling bayan natin, hindi tayo magpapabastos sa kanila,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Remulla na dapat harapin ni Zdorovetskiy ang limang kasong ihahain laban sa kaniya.
Tinawag din ng kalihim ang vlogger na “undesirable alien” at isang “flight risk.”
“Ipapakita natin na ang mga taong katulad ni Vitaly ay kailangang pagbayaran ang ginagawa nila dito. Kaya sisiguraduhin ko na tatapusin natin ‘to, ililitis natin ‘to at hanggang walang verdict laban sa kanya ay hindi siya made-deport. Dito lang siya sa Pilipinas,” sabi pa ng kalihim.
Inaresto si Zdorovetskiy sa isang hotel sa Pasay City noong nakaraang linggo matapos maglabas ang BI ng Mission Order for Undesirability laban sa kaniya.
Nahaharap si Vitaly Zdorovetskiy sa mga reklamong unjust vexation, alarm and scandal, pati na ang attempted theft matapos umanong guluhin ang ilang Pinoy sa kaniyang livestream, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sinabi ni Remulla na hinahanap na rin ng mga awtoridad ang cameraman ni Zdorovetskiy sa kaniyang vlog, na posible rin umanong maharap sa mga reklamo.
“Ita-tactical interrogation pa siya (Zdorovetskiy) para makuha namin ang identity ng mga cameraman niya. Pati siya (cameraman), tingin ko ay Pilipino naman, ay kasama dito sa charge dahil enabling siya eh of a commission of a crime. So hahanapin pa namin,” paliwanag ng kalihim.