Sports

Mga atletang lumahok sa Paris 2024 Olympics, balik-Pinas na

Ginawaran ng red carpet ang 17 mula sa kabuuang 22 mga atleta ng bansa na lumahok sa Paris 2024 Olympic na dumating, gabi ng Lunes.

Published on

Kabilang sa Team Philippines na mga dumating ay sina two-time 2024 Paris Olympic gold medalist Carlos Yulo, bronze medalists Nesthy Petecio at Aira Villegas at si Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino.

Pinayagan ang bawat atleta na salubungin ng apat na miyembro ng kanilang pamilya.

Private welcome ang hiniling ng Malakanyang sa pagsalubong ng mga pamilya ng mga atleta kaya ginawa ito sa Maharlika hangar.

Pagdating ng mga atleta ay nag-“freshen-up” sila at diretso na ang mga ito sa Palasyo.

Mula Villamor Air Base, tutungo sa Palasyo ng Malacañang ang mga atleta kung saan sila tatanggapin ni Marcos Jr.

Pagkatapos nito, didiretso sila sa ceremonial hall para sa isang awarding ceremony at dinner reception.

Araw ng Miyerkules isasagawa ang homecoming parade sa mga atleta na magsisimula ng 3:00 ng hapon.

Kukunin ang mga atleta mula sa kanilang tinutuluyan at dadalhin sa Aliw Theater kung saan gaganapin ang isang motorcade.

Aabot sa 7.7 kilometro ang long parade.

Matatandaan na una nang nag-abiso ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa gaganaping Heroes’ Grand Homecoming Parade para kay gymnastics hero gold medalist Carlos Yulo, at bronze medalists Petecio at Villegas, at lahat ng Filipino Olympians.

Ang mga ruta ng parada ay mula Aliw Theater hanggang Rizal Memorial Sports Complex.

Mula V. Sotto o Aliw Theater kakaliwa sa

  • Roxas Blvd. kakanan sa
  • P. Burgos Avenue, didiretso sa
  • Finance Road- kakanan sa
  • Taft Ave., kakanan sa
  • Pres. Quirino Ave., kakaliwa sa
  • Adriatico St., kakanan sa
  • Mendiola St., kakaliwa sa
  • Rizal Memorial Sports Complex

Magkakaroon din ng program sa Rizal Memorial Sports Complex kung saan magbibigay ng award incentives si Manila City Mayor Honey Lacuna kay Carlos Yulo at EJ Obiena na kapwa residente ng lungsod ng Maynila.

Magpapatupad ang MMDA ng stop-and-go scheme sa mga intersection na daraanan ng parada.

Pinapayuhan naman ng MMDA ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta upang maiwasan ang inaasahang mabigat na trapiko.

Ang mga alternatibong ruta sa Northbound papuntang R10 ay:

  • Skyway
  • Buendia Ave.
  • Taft Avenue
  • F.B. Harrison Street
  • A. Mabini Street
  • Pres. Quirino
  • Lacson Ave.

Habang sa Southbound naman:

  • Roxas Blvd.
  • U.N. Avenue
  • San Marcelino
  • Quirino Ave. to SLEX

Exit mobile version