Mariing pinabulaanan ng Philippine National Police ang kumakalat na maling impormasyon sa social media na umano’y may mga kilalang negosyanteng biktima ng kidnapping.
Ayon kay PNP chief Gen Rommel Francisco Marbil, walang katotohanan ang mga balitang ito at walang sapat na basehang ebidensya.
Patuloy na mino-monitor ng PNP ang pagkalat ng ganitong uri ng disimpormasyon, at kasalukuyan nang inaalam kung sino ang nasa likod ng pagpapakalat nito upang managot sa batas.
Paalala ng PNP sa publiko, ang pagpapakalat ng fake news ay isang krimen at may kaakibat na parusa.
“Walang katotohanan ang mga ulat ng diumano’y pagdukot sa mga negosyante. Hindi natin papayagan ang ganitong uri ng panlilinlang. Ang sinumang mapatunayang nagpapakalat ng fake news ay mananagot sa batas,” pahayag ni General Marbil.
Ang mensaheng ito ay alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa responsable at maingat na paggamit ng media at upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Kaisa ang PNP sa panawagang ito at hinihikayat ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nakikita at ibinabahagi, lalo na sa social media.