Nanganib ang buhay ng isang traffic enforcer sa Kawit, Cavite, dahil sa tangkang pagtakas ng isang lady driver.
Hinarang siya ng traffic enforcer para tiketan, pero dumire-diretso ito sa pagmamaneho.
Ang ending ay kita sa nag-viral na video mula sa CCTV na nakakapit ang enforcer sa hood ng kumakaripas na kotse. Lumabas sa police report na inabisuhan ng isang motorista si Michael Trajico, traffic enforcer ng Kawit Traffic Management Group (KTMG), ukol sa nasaging motorsiklo noong Lunes, August 18, 2025.
Nang lapitan ni Trajico ang lady driver ng nakabanggang kotse, dito nagsimula ang makapigil-hiningang eksena.
Tinangkang harangin ni Trajico ang kotse, subalit patuloy ito sa pagtakbo.
Sa halip na masagasaan, tumalon si Trajico sa hood ng tumatakbong kotse at kumapit.
Sabi raw ni Trajico sa driver habang nakakapit sa umaander na kotse, “’Itigil mo, Ate. Itigil mo!’” “E, kung sa ibabaw, may [pag-asa] pa akong mabuhay.”
Dugtong niya pa, “Doon sa hood niya may nakapitan po ako na matigas na bagay.”
Habang nakasabit daw sa kotse si Trajico, pinakiusapan din niya ang nanay ng driver na nasa passenger seat na pahintuin ang anak nito sa pagmamaneho.
Pero hindi raw pinakikinggan ng driver ang nanay nito.
“Tinatapik ng nanay niya sa loob. Ayaw pa ring pakinggan,” ani Trajico.
Tumagal daw ng tinatayang 15 minutes ang pagkapit ni Trajico sa kotse hanggang sa tumigil ang kotse sa harap ng bahay ng driver.
Hindi raw nagtapos doon ang mga eksena.
“Pagdating sa harapan ng bahay nila, bumaba siya, minura pa niya ako,” sabi ng enforcer. Pero hindi raw nagpatinag si Trajico at hinamon ang driver na magdemanda ito.
Hindi rin daw ibinigay ng driver ang kanyang driver’s license.
Tutuluyan daw ni Trajico at ng KTMG na sampahan ito ng reklamo, tulad ng direct assault.
Nakatanggap na rin umano ng mga text messages si Trajico na makipag-areglo na lang.
“’Pag hindi natin tinuruan ng leksiyon ang ganyan, hindi lang po sa aming mga enforcer, baka sa ibang enforcer gawin po. Ang akin lang po, respeto sa enforcer.”
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang kampo ng driver nang subukang kapanayamin ng GMA Integrated News.