Nailigtas ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang 3-anyos na batang babae na dinukot ng kanyang kasambahay nitong Linggo sa Quezon City.
Batay sa report ng QCPD-Masambong Police Station 2, nangyari ang pagdukot sa biktima, alas-8:05 ng gabi kamakalawa sa Aragon St., Brgy. Paltok.
Dumaing umano ng pananakit ng tiyan ang suspek at nagpaalam na kukuha lamang ng gamot sa kalapit na bahay at isinama nito ang ang 3-anyos na biktima, subalit hindi na bumalik pa. Halos dalawang taon nang kasambahay ang suspek.
Makalipas ang ilang oras, nakatanggap ng text message ang magulang ng biktima na nanghihingi ng P150,000.00 para sa kaligtasan at kalayaan ng biktima. Mabilis namang inireport ang insidente sa pulisya na agad namang nagsagawa ng follow-up operations at alas-12:05 ng madaling araw ay nabawi ang biktima sa suspek sa FPJ Avenue, Quezon City.