News
Negosyante, Patay matapos barilin sa loob ng sasakyan
Patay ang isang negosyante matapos barilin ng hindi nakilalang salarin sa loob ng kanyang SUV at saka inabandona ang sasakyan

Patay ang isang negosyante matapos barilin ng hindi nakilalang salarin sa loob ng kanyang SUV at saka inabandona ang sasakyan sa San Antonio-Padre Garcia road, Brgy Loob, San Antonio, madaling araw nitong Martes.
Ayon sa report ng San Antonio police, nakita ang bangkay dakong ala-2 ng madaling araw na nasa loob ng SUV na may plate number DCP 1883 na iniwan sa gilid ng highway.
Sa pagsisiyasat ng mga pulis, kinilala ang nasawi na isang 36-anyos na lalaki na taga Brgy. Pinag Ulingan West, Lipa City at may ari ng isang auto repair shop.
Ayon kay Maj. Kayvin Ballogan, hepe ng San Antonio PNP sa inisyal na imbestigasyon may tama ng bala sa ulo ang biktima na nakahandusay sa back seat ng sasakyan subalit, wala namang natagpuang basyo ng bala.
Napag-alaman sa asawa ng biktima na nitong Lunes ng tanghali na nagsabing makikipagkita lamang ito sa hindi natukoy na tao sa Rosario, Batangas.
Hindi na ito nakauwi ng kanilang bahay at hindi na rin makontak kaya hinanap na ito ng pamilya kasama ang Rosario PNP at nakita sa CCTV footage na dumaan ang sasakyan ng biktima sa Padre Garcia na kalapit na bayan ng San Antonio kung saan ito natagpuang patay.
Ayon sa kay Maj Ballogan, posibleng pinatay ito sa ibang lugar at saka iniwan ang sasakyan sa San Antonio.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng San Antonio at Rosario PNP at inaalam kung sino ang responsable sa krimen at kung ano ang motibo barilin.

